Related Reading
Search Clinical Content Search Expanded Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pagkatapos ng Gastric Bypass: Mga Alituntunin sa Nutrisyon

Pagkatapos ng operasyon na gastric bypass, kakailanganin mong matutunan ang bagong paraan ng pagkain at pag-inom. Mas maliit ang iyong bagong sikmula kaysa dati. At maaaring may maliit itong bukana sa ibaba na tinatawag na stoma. Maaaring tawagin ito ng iyong bariatric surgeon na gastrojejunostomy. Maaari itong mabarahan ng pagkain kung hindi ka maingat. Upang pangalagaan ang iyong bagong sikmura at makuha ang mga resultang gusto mo, dapat kang:

  • Kumain ng kakaunting pagkain.

  • Kumain nang dahan-dahan.

  • Kumain ng mas malalambot na pagkain.

  • Nguyaing mabuti ang pagkain.

  • Huwag kumain ng pagkain at uminom ng mga likido nang magkasabay.

  • Regular na inumin ang iyong mga bitamina at suplemento, ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.  

Mahalagang sundin ang plano sa pagkain na inilatag para sa iyo. Unang hakbang pa lamang ang operasyon. Nakadepende sa mga pagpipilian na gagawin mo pagkatapos ng operasyon ang tagumpay sa pagbawas ng timbang.

Pagkatapos ng operasyon

Pagkatapos ng operasyon, malamang na magsisimula ka sa isang likidong diyeta, dahan-dahang lilipat sa isang ganap na likidong diyeta, at pagkatapos ay sa purong o malambot na solidong pagkain sa susunod na ilang linggo. Sundin ang mga tagubilin ng iyong bariatric surgery team para sa kung anong mga likido at malalambot na pagkain ang pinakamainam. Pagkatapos ng panahong ito, maaari mong simulan na ibalik ang iba pang mga pagkain sa iyong diyeta, na sinusunod ang mga alituntunin mula sa iyong bariatric surgery team at dietitian.

Pagpaplano ng mga pagkain

Pagkatapos ng operasyon, maaari lamang maglaman ng 2 hanggang 4 na kutsara ng pagkain o inumin ang iyong sikmura. Pagkalipas ng humigit-kumulang isang taon, lalawak ito para maglaman ng hanggang 16 na kutsara ng pagkain o inumin. Dahil sa maliit na sukat nito, kakailanganin mong kumain at uminom ng mas kaunti sa anumang 1 pagkain kumpara sa ginawa mo dati bago ang operasyon. Kakailanganin mo ring planuhin nang maingat ang iyong mga pagkain. Dapat na malusog at masustansya ang mga pagkaing pipiliin mo. Makipagtulungan sa isang dietitian upang matutunan kung paano kumain at ang pinakamaiinam na pagkain na pipiliin. Sundin ang plano ng pagkain na ibinibigay sa iyo. Nasa ibaba ang ilang pangkalahatang patnubay.

Gaano karami ang kakainin

Ang iyong bagong sikmura ay kaya lamang maglaman ng maliliit na dami ng pagkain simula ngayon. Kailangan mong sukatin ang iyong pagkain bago ito kainin.

Kasama ang mga sumusunod sa mga mungkahi para sa kung gaano karami ang kakainin: 

  • Kumain ng humigit-kumulang 4 hanggang 6 na maliliit na pagkain bawat araw, na sinusunod ang mga rekomendasyon ng iyong bariatric dietitian. 

  • Asahan na sundin ang iyong nakaplano at nakaiskedyul na diyeta sa loob nang halos 2 buwan. Kapag kumakain ka nang mas normal na diyeta, sundin ang mga inirerekomendang pagkain. Gumamit ng maliit na plato. Kumain nang dahan-dahan at nguyaing mabuti ang pagkain. Itigil ang pagkain kapag nasiyahan ka na, at huwag magpatuloy sa pagkain hanggang sa makaramdam ka ng pagkabusog. Maaari mong banatin ang supot ng sikmura kung gagawin mo iyon. 

Ano ang pipiliin

Kasama ang mga sumusunod sa mga mungkahi sa kung ano ang pipiliin: 

  • Subukang kumain ng tamang dami ng protina (tingnan ang “Kumuha ng sapat na protina” sa ibaba).

  • Kumain ng mga prutas at gulay kung hindi nagdudulot ng mga problema ang mga ito. Tanggalin ang mga balat. Lutuin ang mga gulay upang mas mabilis tunawin ang mga ito. Nguyaing mabuti ang mga ito.

  • Pumili ng mga buong butil na pagkain o magdagdag ng dietary fiber sa iyong mga pagkain.

Ano ang dapat palampasin

Kasama ang mga sumusunod sa mga mungkahi sa kung ano ang pipiliin: 

  • Huwag magkaroon ng matatamis na mga pagkain at inumin. Maaaring magdulot ang mga ito ng dumping syndrome (tingnan sa ibaba ang Iwasan ang dumping syndrome). Maaari ding pabagalin ng mga ito ang pagbaba ng iyong timbang o maging sanhi ng pagtaas ng timbang.

  • Limitahin ang malalangis at matataba. Kasama rito ang mga pritong pagkain. Maaaring maging sanhi ng pagduduwal ang sobrang taba. Pababagalin din nito ang pagbaba ng iyong timbang. Maaari din itong maging sanhi ng pagtaas ng timbang.

  • Huwag uminom ng alak. May mga calories ito, ngunit walag sustansya, at maaaring pabagalin ang pagbaba ng iyong timbang.

  • Huwag manigarilyo. Ang paninigarilyo ay isang kilalang sanhi ng mga ulser sa ilalim ng supot ng sikmura pagkatapos ng gastric bypass.

  • Huwag uminom ng mga NSAID nang regular. Ang mga NSAID ay mga gamot, tulad ng ibuprofen, aspirin, o naproxen. Maaaring maging sanhi ang mga ito ng mga ulser sa ilalim ng supot ng sikmura. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago uminom ng anumang mga NSAID.

Paano kumain

Pagkatapos ng operasyon, kakailanganin mong mag-ingat kapag kumakain ka. Napakaliit ng iyong sikmura at kaunting pagkain lamang ang kayang maging laman. Sundin ang mga alituntuning ito para sa pagkain:

  • Huwag uminom ng kahit ano sa panahon ng pagkain. Maghintay ng 30 hanggang 45 minuto pagkatapos ng pagkain upang uminom ulit.

  • Kumagat ng maliliit. Nguyaing mabuti ang pagkain bago ito lunukin. Kung hindi mo kayang nguyain nang ganap ang isang pagkain, huwag mo itong lunukin. Iluwa ito. Makatutulong ito na maiwasang mabarahan ang stoma.

  • Kumain nang dahan-dahan. Maglaan ng 20 hanggang 30 minuto para sa pagkain.

  • Huminto sa pagkain kapag busog ka na. Huwag kumain ng masyadong mabilis o sobra. Maaari itong magdulot ng pagduduwal at pagsusuka. Maaari din itong magdulot ng pananakit sa ilalim ng iyong buto sa dibdib.

  • Huwag magmeryenda sa pagitan ng mga pagkain. Sundin ang iyong plano ng diyeta. Maaaring limitahan ng meryenda ang iyong pagbabawas ng timbang at maging sanhi pa ng pagtaas ng timbang.

Pag-iwas sa mga komplikasyon

Maaaring mangyari ang ilang partikular na problema pagkatapos ng operasyon na gastric bypass. Kabilang dito ang dehydration, malnutrisyon, at dumping syndrome. Kakailanganin mong kumain at uminom nang maingat upang maiwasan ang mga ito. Basahin sa ibaba upang malaman kung ano ang magagawa mo.

Panatilihin ang pang-araw-araw na tala ng pagkain at inumin

Panatilihin ang isang talaan ng lahat ng iyong kinakain, kahit na mga pampalasa, tulad ng ketchup at pampalasa. Isulat ang lahat ng inumin, kabilang ang tubig. Tutulong ito sa iyo na subaybayan kung ano at kung gaano karami ang iyong kinokonsumo.

Manatiling sapat ang tubig

Ang hindi pag-inom ng sapat na likido ay maaaring humantong sa dehydration. Kasama sa mga sintomas ang pakiramdam ng matinding pagkauhaw, pagkakaroon ng matingkad na dilaw na ihi, o napakakaunting pag-ihi. Ang bagong sikmura ay maaari lamang maglaman ng kaunting likido sa isang pagkakataon. Kaya mahalagang sumipsip ng mga inumin sa buong araw. Uminom ng hindi bababa sa 6 hanggang 8 tasa (1 tasa ay katumbas ng 8 onsa) ng mga likidong walang asukal araw-araw. Uminom nang dahan-dahan. Huwag gumamit ng mga straw o uminom mula sa mga bote, dahil maaari itong magdulot ng kabag. Iwasan ang mga carbonated na inumin sa unang ilang buwan, dahil magdudulot din ang mga ito ng kabag. At, huwag uminom habang kumakain. Maaari itong humantong sa pagkain na hindi natutunaw nang maayos.

Magkaroon ng sapat na protina

Napakahalagang bahagi ng iyong bagong diyeta ang protina. Ginagawa ka nitong makadama ng pagkabusog at pinapanatili ang iyong katawan na gumagana nang normal. Pagkatapos ng operasyon, maaaring hilingin sa iyo ng iyong surgical team na uminom ng mga protein shake araw-araw. Kakailanganin mong kumain ng kakaunting taba, pagkaing maraming protina sa bawat pagkain. Dapat mong pagsikapang abutin ang 60 hanggang 100 gramo ng protina bawat araw. Kung kakain ka ng karne, siguraduhing hindi ito matigas o puno ng taba o litid. Ang tinadtad na karne ay kadalasang mas mahusay na pinapayagang pagpipilian. Kung hindi mo kayang nguyain ang karne, huwag lunukin ang pagkain. Maaari nitong harangan ang iyong stoma. Iwasan ang mga pagkaing protina na maraming taba, tulad ng sausage, bacon, hot dog, at karne ng hamburger na maraming taba. Pumili ng mga pagkaing kaunti ang taba at mataas ang protina, tulad ng:

  • Manok at pabo (puting karne)

  • Isda at shellfish (walang tinapay o hindi pinirito)

  • Mga itlog, puti ng itlog, at mga pamalit sa itlog

  • Mga produktong gatas na kaunti ang taba at walang taba (gatas, yogurt, kesong puti)

  • Gatas na soya at tofu

  • Isdang tuna at de-latang salmon 

  • Peanut butter 

Mayroon ding protina ang mga beans, lentil, gulay, at mani. Gayunman, wala sila ng lahat ng amino acid na mayroon ang protina ng hayop. Maaari mong kainin ang mga pagkaing ito, ngunit dapat mayroon ka ng mga ito bilang karagdagan sa iba pang mga protina ng hayop, tulad ng mga nakalista sa itaas. Kung nahihirapan kang matugunan ang iyong pang-araw-araw na pangangailangan sa protina, maaaring kailanganin mong uminom ng suplementong protina. Siguraduhing may protina lamang at walang asukal ang suplementong protina (o lactose, kung ikaw ay lactose intolerant). 

Maaaring humantong sa malnutrisyon ng protina ang hindi pagkakaroon ng sapat na protina. Kasama sa mga sintomas ng hindi sapat na pagkain ng protina (at caloric) ang labis na pagkalagas ng buhok, tuyong balat, pagkapagod, at palaging nanlalamig kapag ang iba ay hindi nilalamig. Karaniwan ang ilan sa mga sintomas na ito pagkatapos ng gastric bypass. Maaari mong bawasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagtuon sa pagkain ng protina. Dapat malutas ang mga sintomas na ito sa loob ng 4 hanggang 6 na buwan pagkatapos ng operasyon. 

Unti-unting ihain ang mga pagkain

Pagkatapos ng operasyon, mas malamang na magdulot ng pananakit, pagduduwal, pagsusuka, o pagbabara ang ilang pagkain. Kabilang sa mga ito ang mga karne, prutas, gulay, tinapay, pasta, at kanin. Subukang idagdag ang mga ito sa iyong diyeta nang paisa-isa. Nguyaing mabuti. Kung hindi mo kayang tiisin ang isang pagkain, subukan itong muli sa loob ng 1 hanggang 2 linggo. At, maging maingat sa mga pagkaing may gatas. Pagkatapos ng operasyon, maaaring magdulot ito sa iyo ng mga pulikat, paglaki ng tiyan, o pagtatae. Dahil ito sa maaaring may mga problema ka sa pagtunaw ng lactose pagkatapos ng operasyon. Kung kinakailangan, subukan ang mga produktong gatas na walang lactose. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa paggamit ng lactase pills kasama ng mga pagkaing may gatas. Maaaring mas mura ito kaysa bumili ng gatas na walang lactose.

Iwasan ang dumping syndrome

Isang kondisyon ang dumping syndrome na maaaring mangyari pagkatapos ng operasyon na gastric bypass. Nauugnay ito sa mabilis na pagpasok o "dumping" ng mga pagkaing maraming asukal papunta sa bituka mula sa supot ng sikmura. Maaaring mangyari ito sa loob ng 10 hanggang 30 minuto pagkatapos kumain ng matatamis na pagkain o 2 hanggang 3 oras pagkatapos kumain. Maaari din itong mangyari pagkatapos kumain nang masyadong mabilis o napakarami nang biglaan. Maaaring kabilang sa mga sintomas ang pamumulikat ng bituka, pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, mabilis na tibok ng puso, pagkahilo, pamumula, at pamamawis. Karaniwang lumilipas ang mga sintomas sa loob ng 15 hanggang 30 minuto. Maaaring mas mabilis na mawala ang iyong mga sintomas kung iinom ka ng 1 tasang tubig. Maaari kang magpahinga pagkatapos. Sa mga bihirang pagkakataon, maaaring magkaroon ka ng mga karagdagang sintomas makalipas ang ilang oras, kabilang ang mababang asukal sa dugo. Maaari kang makaramdam ng panginginig at pagkabalisa.

Pinakakaraniwang dahilan ang asukal para sa dumping. Maaari kang makatulong na maiwasan ang dumping syndrome sa pamamagitan ng pagpapanatiling kaunti ang asukal sa iyong diyeta. Ang diyeta na kaunti ang asukal ay nangangahulugang pag-iwas mula sa:

  • Mga pagkaing matatamis, gaya ng kendi, tsokolate, matamis na gum, pinatamis na yogurt (kabilang ang frozen yogurt), matamis na cereal, matatamis na inihurnong produkto, ice cream, at pinatuyong nakapreserbang prutas

  • Mga inuming matatamis, tulad ng nondiet soda, katas ng prutas, at kape at tsaa na may asukal o may lasang mga syrup

  • Mga pampalasa na matatamis, tulad ng jam, honey, at syrup

Basahin ang mga etiketa ng pagkain at inumin upang tingnan kung naglalaman ang mga ito ng asukal. Tingnan ang mga asukal, pampatamis, syrup, katas ng tubo, agave, maltodextrin, at mga salitang nagtatapos sa –ose. Maaari kang gumamit ng mga artipisyal na pampatamis bilang kapalit ng asukal. Kabilang sa mga ito ang aspartame, saccharine, stevia, at sucralose.

Uminom ng mga suplementong bitamina at mineral

Pagkatapos ng operasyon na bariatric, hindi masisipsip ng iyong katawan ang lahat ng bitamina at mineral na kailangan nito sa pamamagitan ng pagkain. Kasama sa mga sintomas ng kaunting bitamina at mineral sa iyong katawan ang anemia (mababang bilang ng dugo), mga sugat sa paligid ng iyong bibig, masakit na dila, at pagkapagod. Sa paglipas ng panahon, maaaring magdulot ang kaunting bitamina at mineral ng malulubhang problema sa kalusugan. Kakailangin mong uminom ng mga suplementong bitamina at mineral araw-araw nang panghabambuhay upang maiwasan ito. Kasama sa mga suplemento ang:

  • Isang nangunguyang multivitamin na may mga mineral (1 hanggang 2 tableta araw-araw; inumin bago kumain)

  • Calcium citrate na may bitamina D (1,200 mg araw-araw; inumin bago kumain)

  • Iba pang mga suplemento, tulad ng bitamina B12, ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan

Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tawagan ang tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga sumusunod ang mangyari:

  • Pananakit, pagduduwal, o pagsusuka pagkatapos kumain o uminom na hindi nawawala sa loob ng 20 hanggang 30 minuto 

  • Pagsusuka ng dugo o likidong kulay dilaw na berde (bile) 

  • Pagtatae na hindi mawala-wala

  • Pananakit o kawalang-ginhawa sa iyong itaas na likod, dibdib, o kaliwang balikat

  • Kakapusan sa hininga

  • Pagkalito, depresyon, o hindi pangkaraniwang pagkapagod

  • Ang pag-ihi nang mas madalas sa karaniwan

  • Problema sa pag-ihi

  • Nag-iinit, pananakit, o dumudugo kapag umiihi ka

  • Mga sinok na hindi nawawala

  • Pagpapawis sa gabi

  • Lagnat

  • Giniginaw

  • Pagkabalisa, kalungkutan, o iba pang emosyonal na problema

  • Problema sa pagsunod sa payo tungkol sa mga pagbabago sa diyeta

Online Medical Reviewer: Jonas DeMuro MD
Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Date Last Reviewed: 5/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer