Related Reading
Search Clinical Content Search Expanded Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Ang Iyong Programa sa Pangangalaga ng Paa Dahil sa Diabetes

Araw-araw kang dumedepende sa iyong mga paa upang manatili kang gumagalaw. Ngunit kapag mayroon kang diabetes, kailangan ng iyong mga paa ng espesyal na pangangalaga. Maaaring maging napakalubha kahit ang maliit na problema sa paa. Kaya huwag ipagwalang-bahala ang iyong mga paa. Makipagtulungan sa iyong team na tagapangalaga ng iyong diabetes. Makakatulong sila na protektahan ang iyong mga paa at panatilihing malusog ang mga ito.

Pagsusuri sa iyong mga paa

Tumutulong ang pagsusuri sa iyong tagapangalaga ng kalusugan na tingnan ang kondisyon ng iyong mga paa. Kasama sa iyong pagsusuri ang pag-aaral ng iyong history ng diabetes at pangkalahatang kalusugan. Maaaring kasama rito ang pag-eksamin ng paa, mga X-ray, o iba pang test. Makatutulong ang mga ito na ipakita ang mga problema sa ilalim ng balat na hindi mo makita o maramdaman.

Kasaysayan ng kalusugan

Tatanungin ka tungkol sa iyong pangkalahatang kalusugan at anumang history ng mga problema sa paa. Tatalakayin mo rin ang iyong history ng diabetes, gaya ng kung nagbago ang lebel ng iyong asukal sa dugo sa paglipas ng panahon. Kasama rin dito ang mga tanong tungkol sa mga nararamdamang pananakit, pangingilig, pagtusok ng aspile at karayom, o pamamanhid. Gusto ring malaman ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang mataas na presyon ng dugo at sakit sa puso o bato. O kung naninigarilyo ka. Sabihin sa iyong tagapangalaga ang tungkol sa anumang nakalipas na mga impeksiyon sa paa. Talakayin ang lahat ng gamot kabilang ang mga gamot na nabibili nang walang reseta, mga bitamina, suplemento, o halamang gamot na iniinom mo.

Eksaminasyon sa paa

Malapitang kuha ng tagapangalaga ng kalusugan na nagsusuri sa paa ng babae.

Sinusuri ng eksaminasyon sa paa ang kondisyon ng iba't ibang bahagi ng iyong paa. Una, sinusuri ang iyong balat at mga kuko para sa anumang palatandaan ng impeksiyon. Sinusuri ang daloy ng dugo sa pamamagitan ng pagdama sa mga pulso sa bawat paa. Maaari ka ring magkaroon ng mga pagsusuri upang pag-aralan ang mga nerbiyo sa paa. Kasama rito ang paggamit ng isang maliit at manipis na kawad (monofilament) para malaman kung gaano kasensitibo ang iyong mga paa. Maaaring isang palatandaan ang tuyong balat sa iyong mga paa ng pagkasira ng mga nerbiyo na kumukontrol sa halumigmig sa iyong balat. Maaaring humantong ang mga impeksiyon sa kuko ng paa dulot ng fungus sa mas malulubhang impeksiyon dahil sa bakterya. Sa ilang kaso, palalakarin ka ng maikling distansya. Isinasagawa ito upang tingnan kung may mga problema sa iyong buto, kasukasuan, at kalamnan.

Mga pagsusuring pang-diagnose

Kung kailangan, imumungkahi ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang ilang test upang marami pang malaman sa iyong mga paa. Kabilang sa mga ito ang:

  • Mga Doppler test. Sinusukat ng mga ito ang daloy ng dugo sa mga paa at ibaba ng binti.

  • Mga X-ray. Maipapakita ng mga ito ang mga problema sa buto o kasukasuan.

  • Iba pang imaging test. Maaaring kasama sa mga ito ang MRI, bone scan, at CT scan. Makatutulong ang mga ito na ipakita ang mga impeksiyon sa buto.

  • Iba pang pagsusuri. Maaaring kasama sa mga ito ang mga vascular test. Pinag-aaralan ng mga test na ito ang daloy ng dugo sa iyong mga paa at binti. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkumpara sa mga presyon ng dugo sa iyong braso at bukung-bukong. Maaari ka ring magkaroon ng mga pag-aaral sa nerbiyo upang malaman kung gaano kasensitibo ang iyong mga paa.

Paggawa ng programa sa pangangalaga ng paa

Batay sa pagsusuri, igagawa ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ng programa sa pangangalaga ng paa. Maaari itong kasing simple ng pagsisimula ng pang-araw-araw na rutina ng pangangalaga sa sarili. At pagpapalit sa uri ng mga sapatos na isinusuot mo. Maaari ding kasama rito ang pagtuturo kung paano gamutin ang maliliit na problema sa paa, gaya ng kalyo o paltos. Sa ilang kaso, kakailanganin ang operasyon upang gamutin ang isang impeksiyon. O upang gamutin ang mga mekanikal na problema, gaya ng mga cloe toe at hammer toe.

Pag-iwas sa mga problema

Kapag may diabetes ka, mas madaling iwasan ang mga problema kaysa gamutin ang mga ito kinalaunan. Magpatingin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan para sa mga regular na checkup at pangangalaga sa paa. Makakatulong din ang iyong team na tagapangalaga ng kalusugan na malaman pa ang tungkol sa pangangalaga sa iyong mga paa sa bahay. Halimbawa, maaari kang sabihan na huwag maglakad nang walang sapin sa paa, kahit nasa bahay ka. O maaari kang sabihan an kailangan mo ng espesyal na sapin sa paa upang protektahan ang iyong mga paa.

Magkaroon ng mga regular na checkup

Maaaring mabilis mangyari ang mga problema sa paa. Kay sundin ang iskedyul ng iyong team na tagapangalaga ng kalusugan para sa mga regular na checkup. Sa panahon ng mga pagbisita sa opisina, hubarin ang iyong mga sapatos at medyas sa kapag pumasok ka sa silid ng pagsusuri. Hingin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan na suriin ang iyong mga paa para sa mga problema. Padadaliin nito ang paghanap at paggamot sa maliliit na problema sa balat bago lumala ang mga ito. Makatutulong din ang mga regular na checkup upang masubaybayan ang daloy ng dugo at pakiramdam ng iyong paa. Maaaring mayroon kang pananakit o kawalan ng pakiramdam sa iyong mga paa (neuropathy). Pagkatapos, kakailanganin mo ang mga checkup nang mas madalas.

Pag-aralan ang pangangalaga sa sarili

Kung mas marami kang alam tungkol sa iyong diabetes at mga paa, mas madaling maiiwasan ang mga problema. Matuturuan ka ng iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan kung paano suriin ang iyong mga paa araw-araw. At matuturuan ka na hanapin ang mga tanda ng babala. Mabibigyan ka rin nila ng iba pang payo sa pangangalaga ng paa. Bago ang iyong pagbisita sa opisina, isulat ang anumang tanong mo sa pangangalaga ng paa. Sa pagbisita sa opisina, magtanong ka ng anumang tanong. Para pangalagaan ang iyong mga paa:

  1. Suriin ang mga ito araw-araw gamit ang magnifying hand mirror para tingnan kung may mga hiwa, paltos, pamumula, pamamaga, o mga isyu sa kuko. Suriin din sa pagitan ng iyong mga daliri sa paa at sa ilalim ng iyong mga paa.

  2. Pamahalaan nang mabuti ang iyong diabetis sa pamamagitan ng isang malusog na pamumuhay at tamang mga gamot.

  3. Mag-iskedyul ng regular na pagsusuri ng paa sa iyong doktor.

  4. Iwasang maglakad nang walang sapin sa paa, kahit sa bahay, para mabawasan ang panganib ng mga pinsala.

  5. Magsuot ng mga medyas sa pagtulog kung nilalamig ang iyong mga paa sa gabi. Iwasan ang paggamit ng mga heating pad o mga bote ng mainit na tubig.

  6. Panatilihing tuyo at mainit ang iyong mga paa, lalo na sa panahon ng taglamig, at gumamit ng antiperspirant kung pinapawisan ka nang labis.

  7. Bago magsuot ng mga sapatos, alugin ang mga ito at tingnan ang loob para sa anumang bagay, dahil sa nabawasang sensasyon, maaaring hindi maramdaman ang mga ito. Maaari itong humantong sa mga hiwa, gasgas, o iba pang pinsala sa paa.

  8. Magsuot ng malinis at tuyong medyas at palitan ang mga ito araw-araw. Maaari kang gumamit ng mga medyas na may ekstrang sapin, walang nababanat na mga tuktok, mas mataas na haba ng bukung-bukong, at mga hibla na sumisipsip ng kahalumigmigan.

  9. Iwasan ang paggamot sa sarili ng mga gasgas, paltos, pamumula, lipak o kalyo; kumonsulta sa doktor para sa naaangkop na propesyonal na paggamot sa sandaling mapansin ang pagbabago ng balat.

  10. Maingat na gupitin ang iyong mga kuko, gupitin ang mga ito nang diretso at i-file ang mga gilid. Iwasang gupitin ang mga kuko nang napakaikli para maiwasan ang mga ingrown toenail.

  11. Maglagay ng moisturizer sa iyong paa, hindi kasama ang mga lugar sa pagitan ng iyong mga daliri sa paa, para maiwasan ang pangangati o pagkabitak ng tuyong balat.

  12. Maging mahinahon kapag hinuhugasan ang iyong mga paa. Gumamit ng malambot na bimpo o sponge, at maingat na tuyuin ang pagitan ng mga daliri sa paa.

  13. Hugasan ang iyong mga paa sa maligamgam na tubig araw-araw, iwasan ang mainit na tubig, at panatilihin ang kalinisan upang maiwasan ang mga impeksiyon. Huwag ibabad ang iyong mga paa.

  14. Iwasang manigarilyo dahil maaari itong makahadlang sa daloy ng dugo at lumikha rin ng mga problema sa paa.

Online Medical Reviewer: Heather M Trevino BSN RNC
Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer: Shaziya Allarakha MD
Date Last Reviewed: 4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Disclaimer