Related Reading
Search Clinical Content Search Expanded Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Diabetes at ang Iyong Anak: Pagtuturok ng Insulin

Tinutunaw ng digestive system ang mga carbohydrate sa pagkain, na nagreresulta sa asukal na tinatawag na glucose. Pagkatapos masipsip mula sa bituka, naiimbak ang ilan sa mga glucose na ito sa atay. Ngunit pumapasok sa dugo ang karamihan sa mga ito at dumadaloy sa mga selula na gagamitin bilang enerhiya. Kailangan ng glucose ng tulong ng hormone na insulin upang makapasok sa mga selula. Ginagawa ang insulin sa lapay, isang organ sa tiyan (abdomen). Inilalabas ang insulin sa dumadaloy na dugo bilang pagtugon sa pagkakaroon ng glucose sa dugo.

Isipin ang insulin bilang isang susi. Kapag nakarating ang insulin sa isang selula, kumakapit ito sa dingding ng selula. Hinuhudyatan nito ang selula na gumawa ng isang puwang na hinahayaan ang glucose na pumasok sa selula. Kung walang insulin, hindi makakukuha ang mga selula ng iyong anak ng glucose na susunugin para sa enerhiya. Kaya maaari silang makaramdam ng panghihina o pagkapagod.

Maaaring palitan ng mga iniksyon na insulin ang kulang na insulin ng iyong anak. Gumagamit din ang ilang bata ng mga insulin pump. Pagkatapos, maaari nang magsunog ng glucose ang katawan ng iyong anak para sa enerhiya. Tumutulong ito upang mapanatili sa malusog na saklaw ang asukal sa dugo ng iyong anak.

Sa una, maaaring nakakatakot para sa inyo ng iyong anak ang pagtuturok ng insulin. Ngunit makatatanggap ka ng tulong mula sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo sa diabetes. Tuturuan ka nila kung paano turukan ang iyong anak ng insulin. Kung mas matanda ang iyong anak, maaari niyang matutunan kung paano magturok ng insulin. Kung gayon, kailangan mo pa ring tingnan ang dami ng insulin na itinuturok ng iyong anak sa bawat pagkakataon.

Insulin pen at hiringgilya.

Mga uri ng insulin

May maraming uri ng insulin. Narito ang mga uri na pinakamalamang na gagamitin ng iyong anak:

  • Mabilis ang bisa na insulin. Dapat ibigay ang mabilis ang bisa na insulin kasabay ng pagkain. Ibigay ito sa iyong anak sa loob ng 15 minuto bago siya kumain. 

  • Regular o maikli ang bisa na insulin. Karaniwan ding ibinibigay ang maikli ang bisa na insulin bago kumain. Karaniwang nakararating ito sa daloy ng dugo sa loob ng 30 minuto pagkatapos iturok.

  • Katamtaman ang bisa na insulin. Mas matagal tumalab ang katamtaman ang bisa na insulin kaysa sa mabilis ang bisa na insulin. Ngunit mas nagtatagal ito sa daloy ng dugo ng iyong anak.

  • Matagal ang bisa na insulin. Sinasaklaw ng insulin na pangmatagalan ang epekto ang mga pangangailangan sa insulin sa loob ng halos buong araw. Karaniwan itong ginagamit, kung kinakailangan, gamit ang mabilis o panandaliang epekto na insulin. Tumutulong ito upang mapanatiling nasa target na saklaw nang matagal ang kanyang asukal sa dugo.

Magrereseta ang tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ng uri o mga uri ng insulin na pinakaangkop sa mga pangangailangan ng iyong anak.

Pagpili sa lugar ng iniksyon

Nakadepende sa uri ng insulin at kung saan mo ito itinuturok ang kung gaano kabilis tumatalab ang insulin. Itinuturok ang insulin sa taba na nasa ilalim lang ng balat (subcutaneous). Pinakamabilis na gumagana ito kapag itinurok sa tiyan. Kabilang sa iba pang lugar ng iniksyon ang likod na bahagi ng itaas ng mga braso, ang mga puwitan, at ang ibabaw at mga labas na gilid ng mga hita. Kasama sa iba pang bagay na dapat tandaan kapag pumipili ng lugar ng iniksyon ang:

  • Baguhin ang lugar ng iniksyon sa tuwing nagtuturok upang maiwasan ang mga problema.

  • Magbigay ng humigit-kumulang 1 pulgada sa pagitan ng mga lugar ng iniksyon.

  • Huwag magturok sa lugar na 2 pulgada sa paligid ng pusod.

Hingin sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak na turuan ka kung paano paikutin nang tama ang lugar ng iniksyon at kung paano lumayo mula sa mga lugar ng lipohypertrophy. Ito ay isang bukol sa ilalim ng balat sanhi ng pagtuturok ng insulin sa parehong lugar nang maraming beses. At, itanong ang tungkol sa tamang paraan ng pag-iiniksyon ng insulin at kung paano maiiwasan na iturok ang insulin sa kalamnan. Makakaapekto kung paano nasisipsip ang insulin ng aksidenteng pagtuturok sa kalamnan o sa isang lugar ng lipohypertrophy.

Paggamit ng hiringgilya

Palaging suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak bago magturok ng insulin. Tumutulong sa iyo ang mga sukat ng asukal sa dugo na magpasya kung gaano karaming insulin ang ituturok. Tiyakin na iturok ito sa taba sa ilalim lang ng balat. Sundin ang mga hakbang na ito para sa paggamit ng hiringgilya:

Hakbang 1. Paghahanda

  • Tipunin ang iyong mga supply. Kakailanganin mo ang:

    • Isang bagong hiringgilya

    • Insulin

    • Mga pamunas na may alkohol

    • Espesyal na sisidlan para itapon ang mga ginamit na hiringgilya (sisidlan ng matatalas na bagay). Maaari kang bumili ng sisidlan ng matatalas na bagay sa isang botika o tindahan ng medikal na supply. Maaari ka ring gumamit ng walang laman na bote ng sabong panlaba o anumang iba pang sisidlan at takip na hindi mabubutas.

  • Hugasan ang iyong mga kamay. Gumamit ng sabon at maligamgam na tubig.

  • Punasan ang itaas na goma (stopper) ng bote ng insulin (vial) gamit ang pamunas na may alkohol.

  • Ihanda ang insulin. Kung gumagamit ang iyong anak ng uri ng insulin na malabo, marahang pagulungin ang bote nang halos 20 beses sa pagitan ng iyong mga kamay. Huwag alugin ang insulin. At huwag gumamit ng malamig na insulin. Sa halip, magtabi ng 1 bote sa room temperature at ilagay sa refrigerator ang iba. 

Hakbang 2. Paghahanda ng hiringgilya

Kakailanganin ng ilang pagsasanay ang mga hakbang na ito:

  • Alisin ang hiringgilya mula sa pakete nito.

  • Alisin ang takip ng karayom.

  • Humatak ng hangin sa loob ng hiringgilya. Hilahin ang plunger upang humatak ng hangin sa loob ng hiringgilya. Hilahin ang plunger pabalik sa marka (guhit) para sa biling ng mga yunit ng insulin na gusto mong iturok. 0 Ang marka sa bariles ng hiringgilya na pinakamalapit sa karayom (hindi 1).

  • Magpasok ng hangin sa bote ng insulin. Hawakan ang bote sa patag na ibabaw gamit ang 1 kamay. Gamit ang isa mo pang kamay, hawakan ang hiringgilya nang diretso pataas at pababa. Marahang itulak ang plunger upang magpasok ng hangin sa insulin.

  • Ipihit ang hiringgilya at bote nang pataob. Panatilihin ang karayom sa stopper. Ibaligtad ang hiringgilya at bote para nasa ibabaw na ang bote at nasa ilalim ang hiringgilya. Ingatang hindi mabaluktot ang karayom kapag ibinabaligtad ang bote ng insulin.

  • Humatak ng insulin sa loob ng hiringgilya. Panatilihing mas mababa sa lebel ng insulin ang dulo ng karayom. Maaaring kailanganin mong hilahin nang bahagya ang karayom. Marahang hilahin ang plunger upang kumuha ang insulin.

  • Tingnan kung may mga bula ng hangin. Marahang tapikin ang hiringgilya habang nasa stopper pa ang karayom. Malilipat ang mga bula ng hangin sa ibabaw ng hiringgilya. Itulak nang kaunti ang plunger para palabasin ang mga bula ng hangin pabalik sa bote ng insulin. Maaaring ipakita sa iyo ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo sa diabetes ang iba pang paraan upang alisin ang mga bula ng hangin.

  • Alisin ang karayom mula sa bote ng insulin.

Hakbang 3. Pagbibigay ng iniksyon 

  • Linisin ang lugarng iniksyon. Gumamit ng pamunas na may alkohol upang linisin ang lugar kung saan ka magtuturok. Hayaang matuyo ang lugar. Kung basa ng alkohol ang balat, hahapdi ang turok. 

  • Kumurot ng isang pulgada ng balat. Hilahin ang halos 1 pulgada ng balat. Marahang kurutin ang balat. Huwag itong pisilin. Ito ay para maiwasan ang pagtuturok sa kalamnan.

  • Ipasok ang karayom. Ipasok ang karayom sa balat sa anggulong ipinakita sa iyo.

  • Iturok ang insulin. Marahang pindutin ang plunger hanggang wala nang laman ang hiringgilya.

Hakbang 4. Pagtatanggal sa karayom

  • Magbilang hanggang 5. Pagkatapos, alisin ang karayom.

  • Bantayan ang lugar ng iniksyon para sa pagtagas ng insulin at pagdurugo. Kung dumugo ang lugar, punasan ito ng bulak o tisyu. Kung tumagas ang insulin, hilingin sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo sa diabetes na tiyakin na ginagawa mo ito nang tama.

Hakbang 5. Pagkatapos ng iniksyon

  • Ilagay ang hiringgilya sa sisidlan ng matatalas na bagay. Huwag muling takpan ang karayom.

  • Tiyaking kumain ang iyong anak sa loob ng 15 minuto ng pagtuturok ng mabilis ang bisa na insulin. Ito ang uri na ginagamit bago kumain.

Ang gamot na nakalagay sa sisidlang para sa isang dosis ay dapat 1 beses lang gamitin.

Paggamit ng insulin pen

Maaaring gamitin ang insulin pen sa pagtuturok ng insulin. Napadadali ng mga ito ang mga pagtuturok. Nakalagay sa cartridges ng insulin pen ang insulin. Ginagamit ang bagong karayom para sa bawat pagturok. Mayroong iba't ibang uri ng mga insulen pen. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak tungkol sa kung ano ang pinakamainam para sa iyong anak.

Mga payo para sa paggamit ng pen

  • Hugasan ang iyong mga kamay ng sabon at tubig bago ka magsimula.

  • Linisin ang lugar ng iniksyon gamit ang pamunas na may alkohol.

  • Gumamit ng bagong karayom sa bawat pagturok.

  • Mayroong iba't ibang uri ng mga karayom ng pen. Alamin kung anong uri ang iyong ginagamit at kung paano ito gamitin.

    • Karayom ng karaniwang pen. Ang karayom na ito ay kadalasang may naaalis na panlabas at panloob na takip. Kailangang alisin ang parehong takip bago ang pagturok.

    • Karayom ng safety pen. Ang karayom na ito ay may naaalis na panlabas na takip. Ang panloob na takip ay nakapirming panangga na pangkaligtasan na hindi naaalis. Sa halip, itutulak pabalik ang panangga. Ilalantad nito ang karayom habang pinipindot ang panturok laban sa lugar ng iniksyon.

Closeup ng dulo ng karaniwang pen na panturok na ipinapakita ang panlabas na takip, panloob na takip ng karayom, at karayom.
Karayom ng karaniwang pen.

Closeup ng dulo ng safety pen na panturok na ipinapakita ang panlabas na takip at dulo ng hiringgilya na may nakapirming panangga ng panloob na karayom.
Karayom ng safety pen.

  • Kapag kumukuha ka ng isang bagong kahon ng karayom, laging tingnan kung anong uri ng karayom ito. Maaaring iba ito sa kung ano ang nakasanayan mo. Makipag-usap sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung hindi ka sigurado kung paano gamitin ang mga bagong karayom.

  • Huwag kailanman iwanan ang karayom sa insulin pen kapag hindi mo ito ginagamit.

  • Bago magturok, pitikin ang karayom gamit ang dulo ng iyong daliri upang alisin ang mga bula ng hangin.

  • I-test ang pen sa pamamagitan ng pagpihit sa 2 at pagpindot sa button ng panturok hanggang dulo. Dapat lumabas ang insulin sa karayom kapag ginawa mo ito. Kung hindi, tingnang muli kung may mga bula ng hangin.

  • Mag-test muli. Kung walang lumabas na insulin pagkatapos ng 3 subok, ulitin gamit ang bagong karayom.

  • Dapat tingnan ng isang adulto ang dosis na pinipihit ng bata.

  • Kurutin ang isang bahagi ng balat at ipasok ang karayom. Pindutin ang button hanggang dulo. Pagkatapos, magbilang hanggang 10 habang itinuturok ang insulin. Mas matagal maghatid ng insulin ang mga pen kaysa sa hiringgilya.

Magagamit rin ang mga smart pen, tinatawag ngayon na mga connected insulin pen (mga CIP). Ang mga pen na ito ay maaaring iprograma upang kalkulahin ang mga dosis ng insulin. Kaya din ng mga ito na magpadala ng data sa iyong smartphone.

Mga insulin pump

Kung nahihirapan ang iyong anak sa pagkontrol ng kanyang asukal sa dugo, maaaring karapat-dapat siyang gumamit ng insulin pump. Maghapong naghahatid ng insulin ang pump, nang hindi kailangan ang maraming pagturok. Inaprubahan ng FDA ang mga insulin pump para sa mga batang kasing bata ng edad na 2.

Pagtatabi ng insulin

  • Itabi sa refrigerator ang mga hindi pa bukas na insulin. Maaaring iimbak ang bukas na bote sa katamtamang temperatura, gaya ng counter ng kusina. Huwag hayaang labis na uminit ang insulin. Palaging panatilihin ito na mababa sa 86°F (30°C). At huwag hayaan itong mailado!

  • Itapon ang insulin na nag-expire na. Totoo ito kahit hindi mo pa ito nabubuksan.

  • Gamitin ang insulin sa loob ng 28 araw matapos itong buksan. Isulat ang petsa sa bote nang buksan mo ito.

  • Siguruhin na dinadala ng iyong anak ang kanyang insulin at mga supply na pang-iniksyon sa isang bag na ginawa upang protektahan ang mga ito mula sa init at lamig.

Paglaban sa takot sa mga pagtuturok

Maaaring nakadidismaya para sa iyo at sa iyong anak ang mga iniksyon. Ngunit may mga bagay na maaari mong magawa upang mas mapadali ito. Hindi kailanman dapat maramdaman ng iyong anak na ang pagsusuri ng asukal sa dugo at mga turok ng insulin ay anumang anyo ng “parusa.” Upang pakalmahin angmga takot ng iyong anak:

  • Tratuhin ang pagtuturok bilang normal at rutina.

  • Magtanong tungkol sa pagtuturok ng saline sa iyong sarili. Sa ganoong paraan, malalaman mo kung ano ang pakiramdam ng pagtuturok.

  • Purihin ang iyong anak para sa hindi pag-aantala o paggawa ng mga dahilan. Kung kailangang magreklamo ng iyong anak, bigyan siya ng oras para doon matapos ang pagturok.

  • Kung takot ang iyong anak sa mga karayom, humingi ng tulong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo sa diabetes. Halimbawa, magtanong tungkol sa mga device na humaharang upang hindi makita ng iyong anak ang mga karayom.

Ang tungkulin ng iyong anak

Habang tumatanda ang iyong anak, maaaring gustuhin niyang tumulong sa mga pagtuturok. Tiyakin lamang na desisyon niya ito. Matutulungan mo ang iyong anak sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanya na:

  • Alamin kung gaano karami ang gagamiting insulin

  • Piliin ang mga lugar ng iniksyon

  • Humatak ng insulin sa loob ng hiringgilya. Dapat mong tingnan ang dosis.

  • Itulak ang plunger para iturok ang insulin

  • Magsanay ng pagtuturok sa isang orange

Online Medical Reviewer: Dan Brennan MD
Online Medical Reviewer: Heather M Trevino BSN RNC
Online Medical Reviewer: Shaziya Allarakha MD
Date Last Reviewed: 8/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Disclaimer