Related Reading
Search Clinical Content Search Expanded Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pag-unawa sa Hika

Ang hika ay isang matagalang (hindi gumagaling) kondisyon ng baga. Nagdudulot ito ng pamamaga sa mga daanan ng hangin (mga bronchial tube) at maging makitid. Ang mga kalamnan sa palibot ng iyong mga daanan ng hangin ay nagsisimulang sumikip. Kapag nagsimulang sumikip ang iyong mga daanan ng hangin, hindi makakalabas ni makakapasok ang hangin sa iyong baga nang maayos. Namumuo rin ang uhog (mucus) sa mga daanan ng hangin. Ginagawa nitong mas mahirap pang dumaloy paloob at palabas ang hangin sa iyong mga baga.

Hindi talaga sigurado ang mga eksperto kung ano ang nagiging sanhi ng hika. Maaari itong dulot ng pinagsamang minana na dahilan at mga sanhi mula sa kapaligiran. Ang mga taong may hika ay maaaring walang sintomas hanggang sila ay malantad sa isang allergen o dahilan.

Harapang kuha ng lalaki na ipinakikita ang sistema ng palahingahan. Nakasingit na larawan na ipinakikita ang namamagang daanan ng hangin.

Malulusog na baga

Sa loob ng mga baga ay mayroong mga sumasanga na mga daanan ng hangin na gawa sa nababanat na tisyu. Ang bawat daanan ng hangin ay nakabalot ng mga bikil ng kalamnan. Mas lumiliit ang mga daanan ng hangin habang mas lumalalim ang mga ito sa mga baga. Ang mga pinakamaliit na daanan ng hangin ay humahantong sa maliliit na tila-lobong mga air sac (alveoli). Ang mga kumpol na ito ay pinalilibutan ng mga daluyan ng dugo. Kapag ikaw ay humihinga nang palanghap (inhale), pumapasok ang hangin sa mga baga. Dumadaan ito sa mga daanan ng hangin hanggang maabot nito ang mga air sac. Kapag ikaw ay humihinga nang papalabas (exhale), ang hangin ay dumadaan papataas sa daanan ng hangin at palabas sa mga baga. Gumagawa ng mucus ang mga daanan ng hangin na hinuhuli ang maliliit na butil na iyong nalalanghap. Karaniwan, ang mga mucus ay nailalabas mula sa mga baga ng mga maliliit na buhok (cilia) na nakalinya sa mga daanan ng hangin. Nilulunok o iniuubo ang mucus sa araw.

Ano ang ginagawa ng mga baga

Ang hangin na iyong nilalanghap ay naglalaman ng oksiheno. Kapag umabot ang oksiheno sa mga air sac, dumadaan ito sa mga daluyan ng dugo sa palibot ng mga sac. Pagkatapos ay dinadala ng iyong dugo ang oksiheno sa lahat ng iyong selula. Habang naglalabas ka ng hangin, inaalis ang carbon dioxide sa parehong paraan mula sa dugo sa paligid ng mga air sac, at pagkatapos mula sa iyong katawan.

Kapag mayroon kang hika

Ang mga taong may hika ay may mga napakasensitibong daanan ng hangin. Nangangahulugan ito na nagkakaroon ng reaksyon ang iyong mga daanan ng hangin sa ilang bagay na tinatawag na triggers o nagiging dahilan. Maaaring kasama sa mga dahilan ang pollen, alikabok, o usok. Nagsasanhi ng pamamaga ang mga dahilan. Pinamamaga at pinasisikip nito ang mga daanan ng hangin. Ito ay isang pangmatagalan (pabalik-balik o hindi gumagaling) na problema. Maaaring hindi palaging napakasikip ang iyong mga daanan ng hangin kaya napapansin mo ang mga problema sa paghinga.

Kabilang sa mga sintomas ng paulit-ulit na pamamaga ang: 

  • Pag-ubo (paulit-ulit)

  • Isang pakiramdam ng paninikip sa iyong dibdib

  • Pakiramdam ng pangangapos ng hininga

  • Wheezing (isang humuhuning ingay, lalo na kapag humihinga papalabas)

  • Nanghihina o napapagod

Sa ilang tao, maaaring humantong ang paulit-ulit na bahagyang pamamaga sa pangmatagalang (permanente) pagkakaroon ng pilat ng mga daanan ng hangin at hindi paggana ng baga sa paglipas ng panahon.

Mga pagsumpong ng hika

Kapag ang mga sensitibong daanan ng hangin ay naiirita ng isang dahilan, ang mga kalamnan sa palibot ng daanan ng hangin ay sumisikip. Namamaga ang gilid (lining) ng mga daanan ng hangin. Dumadami ang malapot at madikit na mucus at bahagyang binabarahan ang daanan ng hangin. Ginagawa ng lahat ng ito na mahirap huminga.

Maaaring kabilang sa mga sintomas ng mga pagsumpong ang:

  • Pag-ubo, lalo na sa gabi. Maaaring hindi ka makatulog dahil sa pag-ubo.

  • Pagkapagod o madaling mangapos ang hininga

  • Paghingang may humuhuni

  • Paninikip ng dibdib

  • Mas mabilis na paghinga kapag namamahinga

Maaaring maging banayad o magbanta sa buhay ang mga pagsumpong. Sa isang malubhang pagsumpong, ang paninikip ng kalamnan, pamamaga, at mucus ay mas malala. Napakahirap huminga. Hindi makakuha ng sapat na oksiheno ang katawan at hindi matanggal ang carbon dioxide. Ang basurang hangin ay naiiwan sa alveoli. Hindi maganap ang palitan ng hangin. Hindi nakakakuha ng sapat na oksiheno ang katawan. Dahil walang oksiheno, ang mga tisyu ng katawan, lalo na ang tisyu sa utak, ay nagsisimulang mapinsala. Kung magtatagal ito, maaari itong humantong sa malubhang pinsala sa utak o kamatayan.

Tumawag sa 911 (o hilingin sa iba na tumawag para sa iyo) kung mayroon ka ng alinman sa mga sintomas na ito at ang mga ito ay hindi napahupa kaagad sa pamamagitan ng iyong gamot na pampahupa ayon sa inireseta:

  • Hirap sa paghinga

  • Pakiramdam na masysadong kakapusan sa hininga upang magsalita o maglakad

  • Nagiging kulay asul ang mga labi o daliri

  • Pakiramdam ng pagkahilo o nalulula, na para bang ikaw ay mahihimatay

  • Ang peak flow ay mas mababa sa 50% ng iyong personal na pinakamahusay na kakayahan, kung gumagamit ka ng peak flow meter

Pangangasiwa sa iyong hika

Ang hika ay isang pangmatagalang kondisyon ng baga. Kaya mahalagang makipagtulungan ka sa tagapangalaga ng iyong kalusugan upang pangasiwaan ito. Kung may hika ka, maaari mong pigilan ang mga pagsumpong. Bumuo ng isang Plano ng Aksyon para sa Hika kasama ang iyong tagapangalaga ng kalusugan. Makakatulong itong makontrol ang iyong hika at mapangasiwaan ang iyong mga sintomas. Sinasabi rin ng Plano ng Aksyon para sa Hika sa iyo at sa iyong pamilya o mga kaibigan kung ano ang gagawin kung sumumpong o lumala ang iyong hika.

Magdala ng ID card na alertong medikal o magsuot ng isang pulseras o kuwintas na alertong medikal. Tutulong ito sa mga tauhan ng medikal na pamahalaan ang iyong hika kung sakaling hindi ka madaling makapag-usap sa kanila. Maaaring kasama sa iyong medikal na ID ang iyong pangalan, diagnosis ng hika, mga gamot sa hika, mga allergy, at isang taong makakaugnayan sa emergency.

Inumin ang iyong gamot ayon sa inireseta. Alamin din ang tungkol sa mga dahilan ng iyong hika. Ang pag-alam sa mga sanhi ng pagsumpong ng iyong hika sa simula pa lang ay makatutulong sa iyo na mapigilan ang mga problema sa paghinga sa hinaharap.

Kung naninigarilyo ka, humingi ng tulong sa paghinto nito. Huwag gumamit ng mga e-cigarette o mga device na pang-vape dahil iniugnay ang mga ito sa pinsala sa baga.

Paano nakaaapekto ang mga pang-araw-araw na problema sa iyong kalusugan

Maraming bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay ang nakaaapekto sa iyong kalusugan. Kabilang dito ang transportasyon, mga problema sa pera, pabahay, access sa pagkain, at pag-aalaga ng anak. Kung hindi ka makakakuha ng mga medical na appointment, maaaring hindi ka makatanggap ng pangangalaga na kailangan mo. Kapag kulang ang pera, maaaring mahirap na mabayaran ang mga gamot. At maaaring maging mahirap na bumili ng masustansyang pagkain ang pagtira na malayo sa isang grocery store.

Kung mayroon kang mga alalahanin sa alinman sa mga ito o iba pang larangan, makipag-usap sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan. Maaaring may alam silang mga lokal na mapagkukunan upang tulungan ka. O maaaring mayroon silang tauhan na makatutulong sa iyo.

Online Medical Reviewer: Daphne Pierce-Smith RN MSN
Online Medical Reviewer: Deborah Pedersen MD
Online Medical Reviewer: Raymond Turley Jr PA-C
Date Last Reviewed: 2/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Disclaimer