Diabetes: Pagpapanatiling Malusog ang mga Paa
Ang diabetes ay hindi gumagaling (pangmatagalan) na kalagayan na kakikitaan ng mataas na mga lebel ng asukal sa dugo. Maaari nitong mapinsala ang mga nerbiyo sa iyong mga paa (neuropathy), na nagreresulta sa panghihina, pamamanhid, at pananakit. Maaari nitong gawing mahirap maramdaman ang mga pinsala o ang mga lugar ng sugat. Maaari ding baguhin ng diabetes ang daloy ng dugo. Maaari nitong gawing mas mahirap na gumaling ang maliliit na problema, tulad ng isang paltos. Sa katunayan, maaaring mabilis na maging malulubhang impeksiyon ang maliliit na sugat. Maaari kang madala sa ospital dahil dito. Pinakamahalaga ang pangangalaga ng sarili. Tumutulong ito na protektahan ang iyong mga paa at panatilihing malusog ang mga ito.
Lubos na mag-ingat
Makatutulong ang mga payong ito upang maalagaan mo ang mga paa mo:
-
Suriin ang iyong paa araw-araw para sa mga problema tulad ng pamamaga, pamumula, at mga paltos. Tingnan din ang mga bitak, tuyong balat, mga pagbabago sa kulay ng balat, o pamamanhid. Gumamit ng salamin para makita ang mga ilalim ng iyong mga paa. O humingi ng tulong. Subukang tingnan ang iyong mga paa sa parehong oras bawat araw.
-
Kontrolin ang iyong diabetes. Suriin at kontrolin ang iyong asukal sa dugo. Inumin ang lahat ng gamot mo ayon sa inireseta at sundin ang malusog na pamumuhay. Tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang problema sa pagkontrol ng iyong asukal sa dugo.
-
Huwag maglakad nang walang sapin sa paa, kahit sa loob ng bahay. Laging magsuot ng medyas kapag nakasapatos. Tiyakin na pinapalitan mo ang iyong mga medyas araw-araw at magsuot lamang ng malinis at tuyong mga medyas.
-
Hugasan ang iyong mga paa ng maligamgam na tubig at banayad na sabon. Suriin ang temperatura ng tubig bago ilagay sa tubig ang iyong paa. Tuyuing mabuti ang mga paa, lalo na ang pagitan ng iyong mga daliri.
-
Huwag ikaw mismo ang gumamot sa mga in-grown na kuko sa paa, mga lipak, o mga kalyo. Kung kailangan mo ng tulong sa pagputol ng mga kuko sa paa, makipag-usap sa iyong tagapangalaga o espesyalista sa pangangalaga ng kalusugan ng paa (podiatrist). Humingi sa iyong podiatrist ng plano sa pangangalaga ng paa.
-
Gumamit ng cream o lotion sa balat kung nanunuyo ang iyong balat. Pero huwag itong gamitin sa pagitan ng mga daliri sa paa.
-
Huwag gumamit ng mga heating pad sa iyong mga paa. Kung mayroon kang napinsalang nerbiyo (neuropathy), maaari kang mapaso at hindi ito maramdaman.
-
Ihinto ang paninigarilyo. Nililimitahan ng paninigarilyo ang pagdaloy ng dugo. Ginagawa nitong mas mahirap para gumaling ang mga sugat.
-
Limitahan ang nakukunsumong alak. Maaaring maapektuhan ng alak ang pagkontrol sa asukal sa dugo at maging dahilan ng pagkasira ng nerbiyo.
-
Huwag gumamit ng matatalas na blade upang putulin ang iyong mga kuko. Sa halip, gumamit ng nail clipper at file.
Magkaroon ng mga regular na checkup
Maaaring mabilis mangyari ang mga problema sa paa. Sundin ang iskedyul ng team ng tagapangalaga ng kalusugan para sa mga checkup. Sa panahon ng mga pagbisita sa opisina, hubarin ang iyong mga sapatos at medyas sa kapag pumasok ka sa silid ng pagsusuri. Hingin sa iyong tagapangalaga na suriin ang iyong mga paa para sa mga problema. Padadaliin nito ang paghanap at paggamot sa maliliit na problema sa balat bago lumala ang mga ito. Makatutulong din ang mga regular na checkup upang masubaybayan ang daloy ng dugo at pakiramdam ng iyong paa. Sa ilang kaso, maaaring mabawasan ang mga pulso sa iyong mga paa. Pagkatapos, maaari kang isangguni ng iyong tagapangalaga na sumailalim sa mga espesyal na pagsusukat ng presyon ng dugo sa iyong mga braso at hita. Maaaring kailanganin mong magpa-checkup nang mas madalas kung mayroon kang neuropathy.
|
Inspeksyunin ang iyong paa araw-araw para sa mga senyales ng problema. |
Isuot ang tamang sapin sa paa
Napakahalagang magsuot ng tamang sapin sa paa. Maaaring masira ng sobrang presyon ang mga bahagi ng iyong mga paa. Kung gayon, maaaring ipayo ng iyong tagapangalaga na palitan ang iyong sapatos. Maaaring kailanganin mong huwag magsuot ng matataas na takong o masisikip na bota sa trabaho. O maaaring ipayo ng iyong tagapangalaga ang mga espesyal na sapatos o mga insert. Tumutulong ang mga ito na protektahan ang iyong mga paa. At iniiwasan ng mga ito na mas lumala ang mga kasalukuyang problema. Kung kailangan mo ng espesyal na sapatos, itanong sa iyong tagapangalaga kung kuwalipikado ka para sa programa ng Medicare na pasadyang hinulma at may dagdag na lalim na sapatos para sa may diabetes at insert.
Siguraduhing kasya ang mga sapatos at medyas
Dapat na kumportable ang anumang pares ng sapatos—bago o luma—sa sandaling isuot mo ang mga ito. Dapat walang anumang pagkuskos o pagkaipit kapag naglalakad ka. Isuot ang tamang sapatos para sa gawaing ginagawa mo. Halimbawa, ginawa ang isang sapatos na pantakbo upang panatilihing walang pinsala ang iyong mga paa habang tumatakbo ka. Bumili ng mga sapatos sa dulo ng maghapon, kapag mas malaki ang iyong mga paa. Siguraduhing nagbibigay ang mga ito ng suporta nang hindi masyadong maluwag sa pakiramdam. Siguraduhing kasya din ang iyong mga medyas. Magsuot ng malalambot, walang tahi, at may sapat na sapin na mga medyas para sa gawain. Pinakamainam ang mga medyas na gawa sa bulak o microfiber. Tumutulong ang mga ito na sumipsip ng pawis. Upang protektahan ang iyong mga paa, huwag magsuot ng mga sapatos na bukas ang dulo o bukas ang sakong. Makipag-usap sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang mga tanong tungkol sa kung ano-anong uri ng mga sapatos at medyas ang pinakamainam para sa iyo.
.
Mag-ehersisyo nang regular
Tumutulong ang regular na ehersisyo sa daloy ng dugo sa iyong mga paa. Tumutulong din ito na mas palakasin ang iyong mga paa at mas madaling ikilos. Pinakamainam ang malulumanay na ehersisyo tulad ng paglakad o pagsakay sa isang nakapirming bisikleta. Maaari ka ring gumawa ng mga espesyal na ehersisyo para sa paa. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga bago simulan ang anumang programa ng ehersisyo. Sabihan din ang iyong tagapangalaga kung nagdudulot ang anumang ehersisyo ng pananakit, pamumula, o iba pang problema sa paa.
Tandaan: Kung mayroon kang anumang uri ng bitak sa balat ng iyong paa o bukong-bukong, panatilihing malinis ang bahagi. Pagkatapos, tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Lalong totoo ito kung mukhang hindi gumagaling ang bahagi.
Online Medical Reviewer:
Chris Southard RN
Online Medical Reviewer:
Heather M Trevino BSN RNC
Online Medical Reviewer:
Rajadurai Samnishanth Researcher
Date Last Reviewed:
4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.