Related Reading
Search Clinical Content Search Expanded Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Diabetes: Paggamot sa Malulubhang Impeksiyon sa Paa

Kapag mayroon kang diabetes at hindi nakokontrol ang iyong asukal sa dugo, nahihirapan ang iyong katawan na maghilom. Ang mga paa ang karaniwang lugar ng mga problema. Kahit na ang maliliit na problema sa paa ay maaaring maging masasamang impeksiyon. Maaari itong humantong sa pagkaputol ng paa kung hindi ito magamot. Kung minsan, maaari pa itong maging banta sa buhay. Kailangan ang mabilis na pangangalaga ng iyong tagapangalaga ng kalusugan upang protektahan ang iyong paa.

Malapitang kuha ng tagapangalaga ng kalusugan na nagsusuri sa paa ng lalaki.

Pagpapagamot

Kung minsan, kumakalat ang mga impeksiyon sa buong mga paa at pataas sa binti. Upang gamutin ang malubhang impeksiyon, maaaring kailanganin mong manatili sa ospital. Maaari kang bigyan ng mga antibayotiko sa pamamagitan ng IV (intravenous) line. Maaari kang magpagamot sa isang tagapangalaga ng kalusugan na nakatuon sa pag-aalaga ng mga impeksiyon. Kung seryosong panganib sa iyong kalusugan ang impeksiyon, maaaring kailangan mo ang operasyon.

Ang mga layunin ng operasyon sa paa

Ginagawa ang operasyon upang alisin ang impeksiyon at protektahan ang iyong paa o binti. Maaaring kumuha ang iyong surihano ng kaunting patay na tisyu mula sa bahaging may impeksiyon. Kung minsan maaaring kailangan niyang tanggalin ang mga daliri sa paa o mas maraming tisyu. Maaaring makatulong ang operasyon upang ayusin o i-bypass ang mga arterya na nasira ng diabetes. Maaari itong maghatid ng mas maraming dugo sa bahaging may impeksiyon. Maaari kang sumailalim sa operasyon sa isang ospital o sa sentro ng operasyon na pang-outpatient. Maaaring kailanganin mo ng mga pagsusuri sa dugo, mga X-ray, o iba pang mga pagsusuri. Maaaring gawin ang mga ito upang tingnan kung kumalat ang impeksiyon sa iba pang bahagi gaya ng buto.

Nakadepende sa operasyon at kung gaano kabuti ka gumagaling ang haba ng iyong pananatili sa ospital. Habang nagpapagaling ka, kakailanganin mong limitahan ang iyong aktibidad nang sandaling panahon. Kapag nakauwi ka na sa bahay, pupuntahan ka ng isang home health nurse para tingnan ka. Sundin ang lahat ng tagubilin at tiyakin na mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ayon sa ipinayo.

Pag-aalaga ng sugat pagkatapos ng operasyon

Tumutulong ang mahusay na pangangalaga sa sugat pagkatapos ng operasyon na mapanatiling walang impeksiyon ang iyong paa. Tumutulong din ito sa pagpapagaling. Makatutulong ang mga payong ito sa upang maalagaan mo ang iyong sugat:

  • Palitan ang iyong tapal tuwing 6 na oras, o ayon sa ibinilin ng iyong tagapangalaga. Sabihin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ang anumang pamumula, pamamaga, o likido mula sa sugat.

  • Maaaring kailanganin mo ng mga IV na antibayotiko. Ito ay upang makatulong na makontrol ang impeksiyon. Maaaring gamitin ang iba pang gamot upang tumulong para mas mabilis na gumaling ang iyong paa. Inumin ang mga ito ayon sa inireseta.

  • Maaaring tumulong ang home health nurse sa iyong mga tapal o sa IV na mga antibayotiko sa bahay.

  • Kung kinakailangan, maaari kang ipadala ng iyong tagapangalaga sa isang pasilidad sa pangangalaga sa sugat. Ginagamot nila ang mga ulcer at impeksiyon na mahirap pagalingin. Maaari kang bigyan ng mga antibayotiko o iba pang gamot na tumutulong na labanan ang impeksiyon. Matututunan mo kung paano alagaan ang sugat sa bahay.

  • Maaaring sabihin sa iyo na panatilihing itaas ang iyong paa hangga’t maaari upang mabawasan ang pamamaga. Pinababagal ng pamamaga ang paggaling ng sugat. Maaari ding sabihin sa iyo na huwag puwersahin ang paa mo sa panahon ng paghilom.

Pagkontrol ng asukal sa dugo sa panahon ng pagpapagaling

Gawin ang magagawa mo upang mapanatili ang iyong asukal sa dugo na nasa iyong target na saklaw. Tutulong ito sa paghilom ng sugat. Maaaring magdulot ng mga pagbabago sa iyong asukal sa dugo ang pisikal at emosyonal na stress dahil sa sugat. Tumawag sa iyong provider kung mayroon kang problema sa pagkontrol ng asukal sa dugo.

Online Medical Reviewer: Chris Southard RN
Online Medical Reviewer: Rajadurai Samnishanth Researcher
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Disclaimer