Related Reading
Search Clinical Content Search Expanded Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Sintomas ng Atake sa Puso

Ang atake sa puso, kilala din bilang acute myocardial infarction, o AMI. Ito ay isang apurahang mensahe mula sa iyong puso na nagkukulang ito ng oxygen. Kapag ang namuong dugo ay bumara sa ugat na papunta sa puso (coronary artery), ang dugong mayaman sa oxygen ay hindi makararating sa bahagi ng iyong puso o sa iyong buong puso. Ang kalamnan ng puso ay magsisimulang mamatay. Nagiging sanhi ito ng mga sintomas ng atake sa puso. Kung ikaw ay madadala sa ospital sa lalong madaling panahon, mas madaling mauumpisahan ang gamutan upang mailigtas ang iyong buhay at ang iyong puso.

Mga babalang sinyales ng atake sa puso

Lalaking hawak ang kamay sa dibdib na masakit habang ang nag-aalalang babae sa kanyang tabi ay tumatawag ng tulong sa teleponong selular.

  • Kawalang-ginhawa sa dibdib. Karamihan ng mga atake sa puso ay may hindi komportableng pakiramdam sa gitnang bahagi ng dibdib. Maaaring tumagal ito ng ilang minuto. O pwede itong mawala at bumalik. Ito ay maaaring madama na parang di komportableng pagbigat, pinipiga, kapunuan, paninikip, o pananakit. Kadalasan nang inilalarawan ito na para bang may mabigat na bagay na nakadagan sa iyong dibdib.

  • Hindi komportableng pakiramdam sa ibang bahagi ng itaas na katawan. Kabilang sa mga maaaring sintomas ay ang pananakit o hindi maginhawang pakiramdam sa isa o magkabilang bisig, balikat, likod, leeg, panga o tiyan.

  • Pangangapos ng hininga. Pwedeng mangyari ito nang mayroon o walang ng hindi maginhawang pakiramdam sa dibdib.

  • Iba pang sinyales. Maaaring kasama dito ang pagpapawis ng malamig, pagsama ng pakiramdam sa tiyan (pagduduwal) o pagkalula.

Para sa kababaihan

Katulad ng kalalakihan, ang kababaihan ay karaniwang nagkakaroon din ng pananakit ng dibdib o hindi maginhwang pakiramdam bilang sintomas ng atake sa puso. Ngunit ang kababaihan ay kadalasang mas nagkakaroon kaysa sa mga lalaki ng ilan sa hindi pangkaraniwang mga sintomas. Kabilang sa mga ito ang:

  • Kakapusan sa hininga

  • Hindi normal na pagkapagod

  • Pagkalula

  • Pangangasim ng sikmura

  • Pagduduwal at pagsusuka

  • Pananakit ng likod

  • Pananakit ng panga

Para sa mga mas nakatatandang adulto

Maaari ring magkaroon ng ibang mga sintomas ang mga mas nakatatandang adulto. Kabilang sa mga ito ang:

  • Pagkahimatay (syncope)

  • Panghihina

  • Pagkalito (deliryo)

Ang mga sintomas na ito ay dapat kaagad na matingnan. Ang pagbabalewala sa mga iyon ay maaaring umakay sa malalang karamdaman o pagkamatay.

Para sa mga taong may diabetes

Kung mayroon kang diyabetis, ang mataas na asukal sa dugo ay makakasira sa mga nerbyo ng iyong katawan sa kalaunan. Maaari ka nitong pigilan na makaramdam ng sakit na dulot ng problema sa puso, na humahantong sa isang “tahimik” na problema sa puso. Kung hindi ka nakakaramdam ng mga sintomas, mas malamang na hindi ka kaagad makatanggap ng paggagamot. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung paano pabababain ang iyong panganib para sa tahimik na mga problema sa puso.

Tumawag sa 911

Huwag matakot na tumawag sa 911, kahit hindi ka nakakasiguro na inaatake ka sa puso. Kung hindi mo alam ang sanhi ng mga sintomas, ipalagay na ito ay isang atake sa puso. Mas mabuti na ang nakakaseguro at tumawag sa 911 kaagad. Huwagmong ipagmaneho ang iyong sarili papunta sa emergency room (ER).

Kung sa palagay mo na may iba pang inaatake sa puso, tumawag sa 911 kaagad sa halip na ipagmaneho siya papunta sa ER. Pagkatapos mong tumawag sa 911 , sasabihin nila sa iyo kung ano ang gagawin mo. Ang 911 na dispatcher ay maaaring sabihin sa iyo na bigyan ang taong ito ng aspirin habang naghihintay na dumating ang tulong. Kung hindi sasabihin ng dispatcher na gawin mo iyon, huwag bigyan ang tao ng aspirin. Maaaring maging mapanganib ang aspirin sa ilang kaso.

Kung nagkaroon ka na dati ng atake sa puso

Ang mga tao na nagkaroon na ng isang atake sa puso ay nanganganib na magkaroon muli ng isa pa. Maaaring magreseta ng gamot ang iyong tagapangalaga ng kalusugan tulad ng nitroglycerin na iinumin para sa pananakit ng dibdib. Malamang na kailangan mo rin ng gamot para pababain ang iyong tibok ng puso at presyon ng dugo. Ito ay para mapigilan ang angina at isa pang atake sa puso. Tandaan na kailangan mong tumanggap ng mga gamot na ibinigay ng iyong tagapangalaga tulad ng itinagubilin. Huwag ihihinto ang mga gamot na ito nang hindi muna nakikipag-usap sa kanila.

Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer: Rajadurai Samnishanth
Online Medical Reviewer: Stacey Wojcik MBA BSN RN
Date Last Reviewed: 3/1/2024
© 2000-2024 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Disclaimer