Diabetes at ang Iyong Anak: Mga Pagsusuri at Bakuna
Nakatutulong ang pang-araw-araw na pangangalaga sa diabetes ng iyong anak na mapanatili siyang malusog. Pinabababa din nito ang panganib ng mga problema sa kalusugan para sa kanya kapag malaki na siya. Ngunit kailangan pa rin ng karamihang batang may diabetes na magpatingin sa kanilang tagapangalaga ng kalusugan para sa mga checkup nang hindi bababa sa 4 na beses sa isang taon. Kakailanganin ng iyong anak ang ilang pagsusuri. Tumutulong ang mga pagsusuring ito na ipakita kung gumagana ang plano sa paggamot ng iyong anak. Pananatilihin ng tagapangalaga na up-to-date ang iyong anak sa mga kinakailangang turok (mga bakuna).
Mga pagsusuri
Ito ang pinakakaraniwang mga pagsusuri na kailangan ng mga batang may diabetes. Dapat gawin ang mga pagsusuring ito nang kasing dalas ayon sa nakasaad sa ibaba, maliban kung binigyan ka ng ibang payo ng team ng tagapangalaga ng kalusugan:
-
Taas at timbang (bawat pagbisita). Sinasabi sa iyo ng pagmamasid sa paglaki ng iyong anak kung mabuti ang pangkalahatang kalusugan ng iyong anak.
-
Presyon ng dugo (bawat pagbisita). Ginagamit ang mga pagsusuri ng presyon ng dugo upang bantayan ang kalusugan ng puso at mga daluyan ng dugo ng iyong anak.
-
A1C (bawat 3 buwan). Sinusukat ng pagsusuring ito ang katamtamang lebel ng asukal sa dugo ng iyong anak sa nakalipas na ilang buwan.
-
Mga pagsusuri ng albumin sa ihi at proporsyon ng albumin sa creatinine (albumin to creatine ration o ACR) (1 beses sa isang taon). Ipinapakita ng pagsusuring ito kung gaano kahusay na gumagana ang mga bato ng iyong anak.
-
Mga lipid (bawat 1 hanggang 2 taon). Tinitingnan ng pagsusuring ito ang mga taba sa dugo (mga lebel ng lipid) upang tingnan ang kalusugan ng daluyan ng dugo.
-
Paggana ng thyroid (1 beses sa isang taon). Tinitingnan ng pagsusuring ito ang antas ng thyroid hormone ng iyong anak, na siyang tumutulong sa paglaki. Mas malamang na mawawalan ng kakayahang gumawa ng thyroid hormone ang mga taong may diabetes.
-
Celiac disease (1 beses sa isang taon, kung kinakailangan). Tinitingnan sa pagsusuring ang isang antibody. Ang antibody ay maaaring mangahulugan na hindi gumagana nang maayos ang sistema ng panunaw ng iyong anak dahil sa isang alerhiya sa gluten na nasa trigo. Humigit-kumulang sa 10% ng mga taong may type 1 diabetes ang may celiac disease.
-
Dilated eye exam o pag-eksamin ng dilat na mata (sa una, 5 taon pagkatapos ng diagnosis). Maaaring ipayo ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak na magpasuri nang mas maaga o mas madalas. Sa mga pag-eksamin ng mga mata, hinahanap ang pinsala sa mga daluyan ng dugo sa mga mata (retinopathy).
-
Paa (bawat pagbisita). Sinusuri ang mga paa para sa mga lugar ng presyon, pinsala, o sugat.
Mga bakuna
Dapat magkaroon ang iyong anak ng mga bakunang nasa ibaba. Karagdagan ang mga ito sa mga inirerekomendang rutina ng mga bakuna sa pagkabata:
-
Bakuna laban sa influenza o trangkaso (1 beses sa isang taon). Tinatawag din itong bakuna sa flu. Sa pagkakaroon ng trangkaso, magiging mas mahirap ang pagpapanatiling malusog ang mga lebel ng asukal sa dugo ng iyong anak.
-
Pneumonia o pulmonya (hindi bababa sa 1 beses, kung kinakailangan). Maaaring malubhang problema ang pulmonya para sa mga batang may diabetes. Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung gaano kadalas kailangan ng iyong anak ang bakunang ito.
Pagpapatingin sa dentista
Dapat magpatingin ang iyong anak sa dentista nang hindi bababa sa 2 beses sa isang taon. Ito ay dahil makapipinsala ang mataas na asukal sa dugo sa ngipin at mga gilagid ng iyong anak sa paglipas ng panahon. Maaari ding pataasin ang asukal sa dugo ng hindi magandang pangangalaga sa ngipin. Siguraduhin na nagsisipilyo at gumagamit ng floss ang iyong anak nang hindi bababa sa 2 beses sa isang araw. Sabihin sa sinumang nangangalaga sa mga ngipin ng iyong anak na may diabetes ang iyong anak.
Saan matututo nang higit pa
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa diabetes, bisitahin ang mga website na ito:
-
American Diabetes Association www.diabetes.org
-
Children with Diabetes www.childrenwithdiabetes.com
-
Juvenile Diabetes Research Foundation www.jdrf.org
-
American Association of Diabetes Educators www.aadenet.org
-
American Association of Clinical Endocrinologists www.aace.com
-
Endocrine Society www.endocrine.org/topics/diabetes
-
National Diabetes Information Clearinghouse www.diabetes.niddk.nih.gov
Hindi ibinibigay ng pahinang ito ang lahat ng impormasyon na kailangan mo para alagaan ang iyong anak na may diabetes. Magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak para sa karagdagang impormasyon.
Online Medical Reviewer:
Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer:
Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer:
Robert Hurd MD
Date Last Reviewed:
2/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.