Pag-iwas sa Pang-aabuso na Nagdudulot ng Trauma sa Ulo
Labis na mapanganib ang pag-alog, pagpalo, paghagis, o pagkahulog ng isang sanggol. Ito ay nagdudulot ng malubhang problema na tinatawag na pang-aabuso na nagdudulot ng trauma sa ulo (abusive head trauma, AHT). Ang AHT ay isang malalang anyo ng pisikal na pang-aabuso sa bata. Ito ay maaaring umakay sa malalang pagkasira ng utak at pagkamatay. Kapag ayaw tumigil sa pag-iyak ang bata, ito ay nakakasiphayo. Ang stress ng pag-aalaga ng sanggol ay mahirap para sa mga magulang. Lalo nang nakaka-stress kung ang iyong sanggol ay may sakit. Subalit gaano ka man naiinis, napapagod, o nagagalit, hindi mo kailanman dapat alugin, paluin, ihagis, o ihulog ang iyong sanggol. Maiiwasan ang AHT.
Bakit ito problema
Kapag inalog, pinalo, inihagis, o inihulog ang isang sanggol, gumagalaw nang pabalik-balik ang utak sa loob ng bungo. Maging ang kaunting puwersa ay magsansanhi sa utak na tumama sa loob ng bungo. Hindi kayang suportahan ng leeg ng sanggol ang stress ng pag-alog. Ito ay magdudulot ng pagdurugo at pamamaga sa loob ng bungo. Maaari itong humantong sa permanenteng pagkapinsala ng utak, mga kapansanan sa pagkatuto, kapansanang intelektuwal, pagkabulag, pagkabingi, mga kumbulsyon, paralysis, coma, o kamatayan. Malamang na mangailangan ng panghabambuhay na medikal na pangangalaga ang mga sanggol na nakaligtas sa AHT. Dumaranas ng malubha at pangmatagalang mga epekto sa kalusugan ang halos lahat ng biktima ng AHT.
 |
Kapag inalog ang sanggol, maaaring tumama ang utak sa gilid ng bungo. |
Kung ikaw ay nasisiphayo
Kung pakiramdam mo ay naiinis ka na, narito kung paano makakaagapay:
-
Dapat unawain na ang pag-iyak ng sanggol ay mas masidhi sa unang ilang buwan ng buhay, ngunit bubuti ito habang lumalaki ang sanggol.
-
Ilapag ang sanggol sa ligtas na lugar, tulad ng kanyang kuna, kahit umiiyak siya.
-
Huminga nang malalim. Lumakad palayo. Magbilang hanggang 10. Gawin ang anuman na makakapagpakalma sa iyo.
-
Patulungin ang iba sa pag-aalaga ng sanggol. Makipagpalit sa iyong partner, lolo at lola ng sanggol, o iba pang kapamilya.
-
Siguraduhin na busog at hindi basa sa ihi ang sanggol. Pakainin nang mabagal ang sanggol. Madalas na padighayin ang sanggol. Awitan o kausapin nang mahinahon ang iyong sanggol. Iugoy nang banayad ang iyong sanggol o isama sa paglakad. Kalungin ang iyong sanggol nang walang saplot (balat-sa-balat). Isama ang iyong sanggol pamamasyal gamit ang stroller o kotse.
-
Kausapin ang tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol tungkol sa mga dahilan ng kaniyang pag-iyak. Maaaring may problemang pangkalusugan o iba pang isyu na nagsasanhi ng pag-iyak ng sanggol kaysa sa normal. Maaari ka ring bigyan ng tagapangalaga kalusugan ng iba pang ideya upang patahanin ang sanggol sa pag-iyak.
-
Kung sa palagay ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol may sumpong lang, alamin na hindi mo ito kasalanan. Lilipas din sa ganitong pagiging sumpungin ang iyong anak. Hindi ibig sabihin na hindi ka mahal ng iyong sanggol, o hindi mo nagagawa nang mabuti ang iyong trabaho. Maaaring umiyak ang malulusog na sanggol sa loob ng 1 hanggang 2 oras bawat pagkakataon.
-
Kung pakiramdam mo nasasakal ka na, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ang tungkol sa mga opsyon sa pag-aalaga ng sanggol, pagpapayo, o iba pang impormasyon na makakatulong.
-
Tumawag sa Childhelp National Child Abuse Hotline sa 800-422-4453. Ang bihasang operator ay makakatulong na kaagapay mo sa iyong pagkasiphayo, upang hindi mo masaktan ang iyong sanggol.
-
Huwag kailanman iwanang mag-isa ang iyong sanggol kasama ang isang taong madaling mairita, o mainitin ang ulo o gumawa na ng karahasan.
Dapat ring ibahagi ang mga payong ito sa lahat ng tagapag-alaga ng iyong anak dahil ang mga yaya at partner ng magulang ay madalas makaramdam ng pagkayamot sa pag-iyak na hindi humihinto.
Online Medical Reviewer:
Donna Freeborn PhD CNM FNP
Online Medical Reviewer:
Stacey Wojcik MBA BSN RN
Online Medical Reviewer:
Tracy C. Garrett RNC-NIC BSN
Date Last Reviewed:
8/1/2023
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.