Diabetes: Pagsisimula sa Pag-eehersisyo
Mas madali kaysa sa inaakala mo ang pagsisimula sa pag-eehersisyo. Maaaring simulan ng mga simple at maliliit na paggalaw ang iyong regular na rutina sa pag-eehersisyo. Hindi mo kailangang sumali sa isang gym para magsimulang gumalaw. Pumili ng isang aktibidad na nasisiyahan ka. Magsimula nang marahan at magtakda ng maliliit na layunin. Isama ang mga aktibidad sa iyong pang-araw-araw na buhay. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago simulan ang isang programa ng aktibidad. Maaaring kailanganin mong magpa-checkup bago ka magsimula.

Magsimula sa paggalaw
Kung hindi ka sanay sa pagiging aktibo, magsimula sa mga malumanay na paggalaw habang nanonood ka ng TV. Itaas ang iyong mga braso at binti habang nakaupo. Pagkatapos ulitin sa loob ng 5 hanggang 10 minuto. Habang lumilipas ang panahon, magdagdag ng ilang mabagal na paglakad. Malaking tulong rin sa iyong kalusugan kahit ang pag-akyat sa hagdan sa halip na gumamit ng elevator. Mainam na mga paraan sa pagsisimula ang mga uri ng maiikling aktibidad na ito. Makatutulong ang mga ito sa pagpapababa ng lebel ng iyong asukal sa dugo, pagpapalakas ng iyong puso, at pagpapabuti ng iyong enerhiya.
Mga hakbang patungo sa pagiging mas aktibo
Layunin mo, lalo na sa simula, ang panatilihing simple ang iyong aktibidad. Unti-unting gawin ang aabot sa 30 minuto ng aktibidad sa isang araw. Ngunit hindi mo ito kailangang gawin lahat ito nang minsanan. Hatiin ito sa mas maliliit na bahagi ng oras. Halimbawa, maaari kang maging aktibo sa 3, tig-10 minutong sesyon sa isang araw. Maaari mo ring isama ang pagiging aktibo sa ibang bagay na kailangan mong gawin. Halimbawa, madalas na tumayo sa iyong mesa at madalas na maglakad-lakad habang nasa trabaho. O maglakad-lakad sa mall bago ka mamili.
Panatilihing simple ang iyong mga aktibidad
Bakit mo gagawing mahirap ang mga aktibidad para sa sarili mo? Piliin ang mga bagay na gusto mong gawin at angkop sa iyong iskedyul. Narito ang ilang payo:
-
Bumaba sa bus nang 1 o 2 paghinto na mas maaga at lakarin ang natitirang bahagi.
-
Magbisikleta kung kaunti lang ang bibilhin.
-
Maglakad nang 10 minuto pagkatapos kumain.
-
Iparada ang iyong sasakyan sa lugar na pinakamalayo kung saan ka papunta.
-
Kumuha ng pedometer na nagtatala sa bilang ng iyong ginagawang hakbang. Magkaroon ng layunin na bilang ng hakbang bawat araw. Dagdagan ang iyong layunin nang paunti-unti bawat linggo.
Panatilihing ligtas ang iyong aktibidad
Kasama sa mga payong pangkaligtasan ang:
-
Mag-warm up bago magsimula at mag-cool down kapag tapos ka na.
-
Magdala o magsuot ng pagkakakilanlan na nagsasabing mayroon kang diabetes. Maaaring ito ay kuwintas o pulseras ng medikal na ID.
-
Magdala ka ng cellphone. Makatutulong ito kapag kailangan mong humingi ng tulong.
-
Uminom ng tubig bago, habang, at pagkatapos mong mag-ehersisyo.
-
Kumain 1 hanggang 2 oras bago ka mag-ehersisyo, kung itinagubilin.
-
Suriin ang iyong asukal sa dugo bago at matapos kang mag-ehersisyo, kung itinagubilin. Suriin ang iyong asukal sa dugo kung nakakaramdam ka ng mga sintomas. Makikita mo kung gaano kayang pababain ng pag-eehersisyo ang iyong asukal sa dugo kahit walang gamot.
-
Magdala ng asukal na mabilis ang bisa kung sakaling bumaba ang iyong asukal sa dugo.
-
Magsuot ng medyas at sapatos na kasyang-kasya sa paa. Subukang maghanap ng mga medyas na kayang sumipsip sa pamamasa ng iyong mga paa. Suriin ang iyong mga paa kung may paltos o pamumula pagkatapos ng ehersisyo.
-
Pag-isipan ang klima sa iyong lugar. Kung minsan, maaaring kailanganin mong piliin ang mga panloob kaysa panlabas na mga aktibidad.
-
Itigil ang aktibidad kung makaramdam ka ng anumang pananakit, kakapusan sa hininga, o pagkahilo.
Gawing masaya ang iyong aktibidad
Haluan ng saya ang pagpapalakas ng katawan. Mas nagiging masaya ka, mas malamang na masusunod mo ang iyong plano. Maaari kang magkaroon ng mas mabuting lebel ng asukal sa dugo kasabay ng isang aktibo at masayang araw. Subukan ang mga payong ito:
-
Pumili ng ehersisyo na nasisiyahan ka at madali mong nagagawa.
-
Sumali sa isang social club na aktibo sa paglalakad o iba pang pisikal na aktibidad.
-
Panuorin ang mga ibon o gumawa ng iba pang gawain sa labas.
-
Magpatugtog at sumayaw.
-
Isali ang iyong pamilya o mga kaibigan sa iyong pisikal na aktibidad.
Online Medical Reviewer:
Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Online Medical Reviewer:
Robert Hurd MD
Date Last Reviewed:
12/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.