Ang Flu (Trangkaso)

Ini-update para sa panahon ng trangkaso sa 2024-2025

Ang flu (trangkaso) ay isang impeksiyon na dulot ng isang virus. Nakakaapekto ito sa iyong palahingahan. Ang palahingahan ay binubuo ng bibig, ilong, at mga baga, at ang mga daanan sa pagitan ng mga ito. Hindi gaya ng sipon, maaaring mapalubha ng trangkaso ang iyong sakit. Maaaring humantong ang trangkaso sa malubhang impeksiyon sa baga na tinatawag na pulmonya. Ang trangkaso ay maaaring magdulot ng malulubhang problema at maging sanhi pa ng kamatayan.

Dahil sa panganib ng malubhang sakit, mariing ipinapayo ng mga eksperto na magpabakuna laban sa trangkaso bago ang pagsisimula ng panahon ng trangkaso. Pinoprotektahan ka nito, ang iyong pamilya, at ang iba pa. Maaaring ibigay nang sabay ang bakuna laban sa trangkaso at iba pang bakuna. Maaari ding maging mataas ang panganib para sa malulubhang problema mula sa COVID-19 at RSV ang mga taong nasa mataas na panganib para sa mga problema mula sa trangkaso. Ginagawa nitong mahalaga na magpabakuna laban sa trangkaso.

Balangkas ng ulo at dibdib ng tao na nakabaling ang ulo sa gilid. Nakikita ang loob ng ilong, daanan ng hangin, at mga baga. Nalalanghap patungo sa ilong at baga ang mga patak ng virus.
Kumakalat ang virus sa pamamagitan ng hangin sa anyong mga patak kapag ang isang taong may trangkaso ay umuubo, bumabahin, tumatawa, o nagsasalita.

Sino ang nanganganib sa trangkaso?

Maaaring magkaroon ng trangkaso ang sinuman. Ngunit mas malamang na magkaroon ka ng trangkaso kung ikaw ay:

  • Mayroong mahinang immune system

  • Nagtrabaho sa isang kapaligiran ng tagapangalaga ng kalusugan kung saan maaaring may mga mikrobyo ng trangkaso

  • Namumuhay o nagtatrabaho kasama ang isang taong may trangkaso

  • Hindi nagpapabakuna laban sa trangkaso ayon sa ipinayo

  • Namumuhay sa isang kapaligiran kasama ang maraming iba pang tao. Ito ay maaaring isang assisted living facility, isang nursing home, o isang shelter o group home.

Paano kumakalat ang trangkaso?

Ang trangkaso ay dulot ng isang virus. Kumakalat ang virus sa pamamagitan ng hangin sa anyong mga patak kapag ang isang taong may trangkaso ay umuubo, bumabahin, o nagsasalita. Maaari kang mahawaha kapag nalanghap mo ang mga patak na ito. Maaari kang mahawaha kapag hinawakan mo ang isang ibabaw na may mga patak at pagkatapos ay humawak sa iyong mga mata, ilong, o bibig. Maaari mong makuha ang virus kung hinawakan mo ang mga ginamit na tisyu, o humiram ng mga kubyertos, baso sa pag-inom, o sipilyo mula sa isang nahawang tao.

Ano-ano ang mga sintomas ng trangkaso?

Ang mga sintomas ng trangkaso ay may posibilidad na magsimula nang mabilis. Maaari tumagal ang mga ito ng ilang araw hanggang ilang linggo. Kabilang sa mga ito ang:

  • Lagnat na karaniwang mas mataas sa 100.4° F ( 38°C ) at panginginig

  • Pamamaga ng lalamunan and pananakit ng ulo

  • Tuyong ubo

  • Tumutulong sipon

  • Pagkapagod at panghihina

  • Mga pananakit ng kalamnan

  • Mga pananakit ng ulo

  • Pagsusuka at pagtatae

Sino ang nanganganib sa mga komplikasyon ng trangkaso?

Para sa ilang tao, maaaring maging napakalubha ng trangkaso. Ang panganib para sa mga komplikasyon ay mas mataas para sa:

  • Mga batang wala pang edad na 5 taon

  • Mga nasa hustong gulang na edad 65 o mas matanda

  • Mga taong may matagal nang sakit tulad ng diyabetis o sakit sa puso, bato, o baga

  • Mga taong nakatira sa isang nursing home o pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga

Mas mataas din ang panganib para sa mga taong may mahinang immune system. Kabilang dito ang mga taong:

  • May HIV/AIDS

  • May kanser

  • Nagkaroon ng organ transplant

  • Umiinom ng mga gamot na nakakapanlaban sa immune

Paano nada-diagnose ang trangkaso?

Maaaring maghinala ang iyong doktor ng trangkaso batay lamang sa mga sintomas. Gayunpaman, maaaring magdulot ang iba pang impeksiyon ng mga sintomas na katulad ng sa trangkaso. Maaaring may magkakatulad na mga sintomas ang trangkaso, RSV at COVID-19. Para kumpirmahin ang diagnosis, maaaring i-swab ng iyong doktor ang iyong ilong o lalamunan gamit ang sterile na pang-swab na bulak at ipadadala ito sa laboratoryo para sa pagsusuri.

Paano ginagamot ang trangkaso?

Kadalasang bumubuti ang trangkaso pagkaraan ng 7 araw o higit pa. Sa ilang kaso, maaaring magreseta ang tagapangalaga ng iyong kalusugan ng isang gamot na panlaban sa virus. Maaari itong makatulong sa iyo na gumaling nang mas maaga. Maaari nitong bawasan ang panganib at tindi ng mga komplikasyon. Para makatulong ang gamot, kailangan mong inumin ito sa lalong madaling panahon pagkatapos magsimula ang iyong mga sintomas. Ang pinakamagandang oras ay inumin ito sa loob ng 48 oras.

Kung magkakaroon ka ng pulmonya o iba pang malubhang karamdaman dahil sa trangkaso, maaaring kailanganin mong manatili sa ospital.

Pagpapaginhawa sa mga sintomas ng trangkaso

  • Uminom ng maraming likido. Kabilang dito ang tubig, juice, at maligamgam na sabaw. Isang magandang panuntunan ang pag-inom ng sapat upang makaihi ka sa iyong karaniwang dami.

  • Magkaroon ng maraming pahinga.

  • Tanungin ang tagapangalaga ng iyong kalusugan kung ano ang dapat inumin para sa lagnat at pananakit. Huwag magbigay ng aspirin sa mga bata o tinedyer. Maaari itong maging sanhi ng bihira ngunit malubhang sakit na tinatawag na Reye syndrome. Nakaaapekto ang syndrome sa atay at utak.

  • Lumayo sa usok ng sigarilyo, sa iyo man ito o mula sa ibang tao.

  • Mag-shower ng maligamgam at mausok upang makatulong na mapaginhawa ang iyong ubo.

  • Kung mayroon kang masakit na lalamunan, maaaring makatulong ang pagmumumog ng maligamgam at maalat na tubig, pagsipsip ng ice cube, pag-inom ng mainit na tubig na may honey at sariwang pinigang katas ng lemon.

  • Tumawag sa iyong tagapangalaga kung ang iyong lagnat ay 100.4° F ( 38°C ) o mas mataas. Tumawag kung ikaw ay nahihilo, nalulula, o kinakapos sa hininga.

Paggawa ng mga hakbang upang protektahan ang ibang tao

  • Hugasan nang madalas ang iyong mga kamay. Gawin ito lalo na pagkatapos umubo o bumahin. Kung hindi ka makapaghugas, linisin ang iyong mga kamay gamit ang panlinis ng kamay na may hindi bababa sa 60% na alkohol.

  • Umubo o bumahin sa isang tisyu. Pagkatapos ay itapon ang tisyu at hugasan ang iyong mga kamay. Kung wala kang tisyu, umubo at bumahin sa liko ng iyong siko.

  • Huwag mamahagi ng pagkain, mga kubyertos, baso, o sipilyo sa ibang tao.

  • Manatili sa bahay hanggang sa hindi bababa sa 24 na oras pagkatapos huminto ang lagnat o panginginig. Pinabababa ng ilang gamot ang lagnat. Tingnan ang iyong temperatura kapag huminto ka sa pag-inom ng gamot. 

Paano maiiwasan ang trangkaso?

  • Isa sa mga pinakamagandang paraan upang mapigilan ang trangkaso ay ang pagpapabakuna laban sa trangkaso kada taon. Maliban sa ilang eksepsyon, ipinapayo ng mga eksperto na ang lahat ng taong edad 6 na buwan o mas matanda ay magpabakuna sa trangkaso bawat taon. Kabilang dito ang mga buntis. Ipinapayo ang bakuna laban sa trangkaso kahit para sa mga taong may allergy sa itlog. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago magpabakuna kung:

    • Masama ang iyong pakiramdam sa araw ng nakaplanong pagbabakuna.

    • Nagkaroon ka ng matinding reaksyon dahil sa bakuna laban sa trangkaso

    • Nagkaroon ka ng Guillain-Barré Syndrome (GBS), isang malubhang sakit na nakakaparalisa

  • Ipinapayo ng mga tagapangalaga ng kalusugan na magpabakuna laban sa trangkaso kada taon sa sandaling magkaroon nito sa inyong lugar. Ang mga strain ng flu virus ay nagbabago taon-taon. Ang bakuna ay nagbabago bawat taon. Ito ay upang makatulong na protektahan ka mula sa mga virus ng trangkaso na mas malamang na magdulot ng sakit sa paparating na panahon ng trangkaso. Ang bakuna ay may iba't ibang anyo. Madalas na ibinibigay ito bilang isang turok sa kalamnan. Available ang nasal spray para sa mga malulusog na tao sa pagitan ng edad 2 at 49 na taon na hindi buntis. Tinatawag na jet injector ang isang anyo na walang karayom. Ibinibigay nito ang bakuna sa isang high-pressure stream sa pamamagitan ng balat patungo sa kalamnan. Ang anyong ito ay maaaring isang opsyon para sa mga taong edad 18 hanggang 64. Masasabi sa iyo ng tagapangalaga ng iyong kalusugan kung aling bakuna ang tama para sa iyo.

  • Hugasan nang madalas ang iyong mga kamay. Ito ay isang napatunayang paraan upang makatulong na maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.

  • Magdala ng panlinis ng kamay na may hindi bababa sa 60% na alkohol. Gamitin ito kapag hindi ka makagamit ng sabon at tubig. Pagkatapos ay hugasan ang iyong mga kamay sa sandaling magagawa mo na.

  • Subukang huwag hipuin ang iyong mga mata, ilong, o bibig.

  • Sa tahanan at trabaho, linisin nang madalas ang mga telepono, keyboard ng computer, at laruan gamit ang pamunas na pamatay-mikrobyo.

  • Lumayo sa ibang tao na may trangkaso o mga sintomas ng trangkaso. Kung nasa paligid ng mga taong may trangkaso, magsuot ng lapat na lapat na mask na nakatakip sa iyong bibig at ilong.

Mga payo sa paghuhugas ng kamay

Ang paghuhugas ng kamay ay isa sa mga pinakamagandang paraan upang mapigilan ang maraming karaniwang impeksiyon. Kung ikaw ay nag-aalaga o bumibisita sa isang taong may trangkaso, maghugas ng iyong mga kamay sa tuwing papasok ka at lalabas ng silid. Sundin ang mga hakbang na ito:

  • Gumamit ng malinis at umaagos na tubig at maraming sabon. Kuskusin nang mabuti ang iyong mga kamay.

  • Linisin ang buong kamay, kasama ang ilalim ng iyong mga kuko, sa pagitan ng iyong mga daliri, at sa mga galang-galangan.

  • Maghugas nang hindi bababa sa 20 segundo.

  • Banlawan, na hinahayaang dumaloy ang tubig sa iyong mga daliri, hindi pataas sa iyong mga galang-galangan.

  • Tuyuin nang mabuti ang iyong mga kamay. Gumamit ng tuwalyang papel para isara ang gripo at buksan ang pinto.

Paggamit ng panlinis ng kamay na may alkohol

Gumamit ng panlinis ng kamay na may hindi bababa sa 60% na alkohol kung wala kang access sa sabon at tubig. Sundin ang mga hakbang na ito:

  • Maglagay ng sapat na sanitizer sa iyong mga kamay upang masakop ang lahat ng ibabaw.

  • Pagkuskusin nang mabilis ang iyong mga kamay. Linisin ang likod ng iyong mga kamay, mga palad, sa pagitan ng iyong mga daliri, at pataas sa iyong mga pulsuhan.

  • Kuskusin hanggang mawala ang gel at matuyo ang iyong mga kamay. Dapat itong magtagal nang humigit-kumulang sa 20 segundo.

Pagpigil sa trangkaso sa mga lugar ng pangangalaga ng kalusugan

Ang trangkaso ay isang espesyal na alalahanin para sa mga tao sa mga ospital at pangmatagalang pangangalaga. Upang makatulong na mapigilan ang pagkalat ng trangkaso, isinasagawa ng maraming ospital at nursing home ang mga hakbang na ito:

  • Naghuhugas ng kanilang mga kamay ang mga tagapangalaga ng kalusugan o gumagamit ng panlinis ng kamay na may alkohol bago at pagkatapos gamutin ang bawat pasyente.

  • Ang mga taong may trangkaso ay may mga pribadong silid at banyo. O maaari silang makibahagi sa isang silid sa isang taong may parehong impeksiyon.

  • Ang mga taong may mataas na panganib sa trangkaso ngunit wala nito ay hinihikayat na magpabakuna laban sa trangkaso at pulmonya.

  • Ang lahat ng nagtatrabaho bilang tagapangalaga ng kalusugan ay hinihikayat o kinakailangang magpabakuna laban sa trangkaso.

Online Medical Reviewer: Jessica Gotwals RN BSN MPH
Online Medical Reviewer: Lalitha Kadali Researcher
Online Medical Reviewer: Sabrina Felson MD
Date Last Reviewed: 8/1/2024
© 2000-2024 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.